Ipinahayag sa GREEN SONA 2017

Agosto 11, 2017

Miriam College, Quezon City

Antonio Flores, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas

 

Marami ang nagsasabi na mayaman ang Pilipinas subalit naghihirap ang mamamayang Pilipino. May katotohanan ito dahil kahit sagana sa mga likas na yaman ang ating bayan, nananatiling mahirap, nagugutom at nagdudusa pa rin ang marami nating mga kababayan.

Kabilang sa pinakamayamang lugar sa ating bansa ang Mindanao, tinatawag din na Lupang Pangako. Subalit ngayon, nakapailalim ang Mindanao sa Martial Law at lalo pang tumindi ang nararanasang kahirapan ng ating mga kababayan doon.

Nasa isla ng Mindanao ang pinakamalalaking plantasyon sa Pilipinas. Libu-libong ektaryang lupain ang nasasaklaw bilang taniman ng goma, saging, pinya at oil palm.

Ang mga dating lupang sakahan at lupang ninuno na binubungkal ng ating mga magsasaka at tinitirhan ng ating mga katutubo ay napalitan na ng mga plantasyon na nasa kontrol ng malalaking lokal at dayuhang agrokorporasyon.

Kung dati-rati ay pagkain – palay, mais, gulay ang nakatanim sa ating mga lupain, ngayon ay mga pananim na pang export na ang sumakop sa lupain ng mga magsasaka at katutubo. Mga malalaking dayuhang kumpanya gaya ng Dole Philippines ng U.S., Del Monte at Sumifru ng Japan ang nakikinabang sa ating lupain at likas na yaman.

Malalawak na lupain pa ang tinatarget sakupin sa planong higit na pagpapalawak o ekspansyon ng mga plantasyon. Kabilang dito ang ekspansyon ng oil palm plantations.

Isang milyong ektaryang grasslands sa Mindanao ang unti-unting itinatransporma upang maging oil palm estates gaya ng ginagawa sa Sultan Kudarat, North Cotabato, at mga rehiyon ng CARAGA at Northern Mindanao.

Ang mabilis at nakakaalarmang pagpapalawak sa mga plantasyon ang nagtutulak sa higit na kahirapan sa mga magsasaka. Inaalisan ng karapatan sa lupa at kabuhayan, at pinapalayas pa ang mga magsasaka at katutubo.

Ang pagpapalawak pa ng mga plantasyon ang isa sa mga dahilan ng papatinding kawalan ng lupa ng mga magsasaka. Itinataboy at pinapaalis sa kanilang lupang sakahan ang mga magsasaka. Samantalang ang mga manggagawang bukid naman na nagtatrabaho sa mga plantasyon ay nanatiling mahirap, nakakaranas ng mala-aliping kalagayan at nakalantad sa mga delikadong kondisyon sa paggawa. Ang paglawak ng mga plantasyon ay nakakasira din sa kalikasan. Libu-libong ektaryang taniman ang binubuhusan ng mga agro-kemikal, pataba, pestisidyo na unti-unting lumalason sa lupa at katubigan.

Oil Palm sa Pilipinas

Noong 1950s nagsimula ang pagtatanim ng oil palm sa Pilipinas, partikular sa Sultan Kudarat sa isla ng Mindanao. Naitayo rin noon ang Menzi Agricultural Corp. sa Basilan sa Zamboanga. Dekada 1960s nang  maitayo ang plantasyon ng oil palm ng Kenram Industries na may 1,100 ektaryang nucleus farm at 3,000 ektaryang outgrower farm sa Sultan Kudarat.  Noon din naitayo ang unang 20-ton capacity palm oil mill.

May mga konsentrasyon rin ng oil palm production sa CARAGA, Socksargen, Bohol at Palawan. Mayroon din Compostela Valley at Bukidnon.

Sa oil palm nagmumula ang palm oil at palm kernel oil. Tinataya na 120 hanggang 130 puno ng oil palm ang maitatanim sa isang (1) ektaryang lupa. Ang isang ektaryang lupa na natataniman ng oil palm ay makakalikha ng apat  hanggang 5.5 tonelada ng crude palm oil.

Ang isang plantasyon ay nangangailangan lamang ng 2 hanggang 3 katao bawat ektarya para magtanim ng oil palm. Binubuhusan din ng maraming kemikal ang lupa sa mga plantasyon ng oil palm. Karaniwang ginagamit ito ang Paraquat ng Syngenta

Noong 1981, panahon ng diktaduryang Marcos, ang National Development Corporation ay nakipag-sosyo sa Guthrie Malaysia at nagtayo ng 4,000 ektaryang taniman ng oil palm sa Agusan del Sur sa CARAGA. Ito na ngayon ang Filipinas Palm Oil Plantation Inc., ang pinakamalaking plantasyon ng oil palm sa bansa.

Noong 2003, binalangkas ng gobyerno ang Philippine Oil Palm Development Plan 2004-2010 upang gamitin ang oil palm bilang “strategic crop for food security, poverty alleviation and employment generation.”

Papalawak ng papalawak ang nasasaklaw ng plantasyon ng oil palm. Pinakamalaking ekspansyon sa CARAGA (35 porsyento) at sa SOCSKSARGEN (30 porsyento) ng kabuuang produksyon.

Noong 2009, may 45,608 ektaryang lupain ang natataniman ng oil palm. Noong 2012, may 56,641 ektaryang lupa sa buong bansa ang natataniman ng oil palm. Noong 2013, ang API at Agumill Inc. ay nagtatarget ng ekspansyong na 20,000 ektaryang taniman ng oil palm.

Nitong 2016, nabuo ang Philippine Roadmap on the Oil Palm Industry 2016 – 2023 na tumatarget ng mahigit isang milyon ektaryang potential production areas (PPAs) ng oil palm na ibinubukas sa mga lokal at dayuhang negosyante.

Itinutulak ng DENR ang kumbersyon ng mahigit walong (8) milyong ektarya ng mga ‘tiwangwang’ at ‘di-produktibong’ lupa sa bansa upang maging mga plantasyon ng oil palm. Tinatarget ng gobyerno ang mas marami pang proyektong PPP sa sektor ng agrikultura at sa industriya ng palm oil. Nais ng gobyerno na pantayan ang Indonesia sa antas ng produsyon ng oil palm.

Nitong Nobyembre 2016, pinayagan na ni Pangulong Duterte ang pagsaklaw ng 80,000 ektarya sa bansa para sa ekspansyon ng oil palm plantation ng mga negosyo mula sa Malaysia. Maari pa itong umabot sa 300,000 ektarya kapalit ng $63 million investments.

Pagtatanggol sa lupa at paglaban sa ekspansyon ng oil palm plantations

  1. Opol, Misamis Oriental

Matagal nang nilalabanan ng tribong Higaonon sa Opol, Misamis Oriental ang pang-aagaw sa kanilang lupang ninuno na kinamkam ng A. Brown Inc., Nakeen Development Corp. (Nakeen) at A. Brown Energy Resources Development, Inc. (ABERDI) sa mga barangay ng Tingalan at Bagocboc sa Opol.

Naglunsad ng mga petisyon, protesta, dayalogo sa mga ahensya ng gobyerno, International Fact-Finding Mission at marami pang pagkilos ang mga katutubo. Hindi tumigil ang mga katutubo sa pagtatanggol sa kanilang lupa. Si Gilbert Paborada, lider magsasaka at katutubo ay pinaslang noong Disyembre 2012, ilang buwan matapos ang IFFM na inilunsad ng KMP at iba pang organisasyon. Napatunayan ng IFFM na walang permit ang ABERDI para mag-operate at ipinaabot ito sa DENR subalit walang ginawang aksyon ang gobyerno. Patuloy ang ating panawagan na isara ang oil palm plantation ng ABERDI.

Nagkaroon ng Congressional Onsight hearing ang House Special Committee on Cultural Minorities noong 2014 kaugnay sa kalagayan ng tribong Higaonon, mga dayalogo sa Department of Environment and Natural Resources.

Noong Nobyembre 2015, naglunsad ng Street Conference ang KMP at pinagtibay ang kaisahan na tutulan ang ekspansyon ng oil palm sa Pilipinas. Noong Hulyo 2016, sa isang dayalogo sa DENR, muli nating ipininanawagan ang pagsasara ng ABERDI dahil walang batayan para magpatuloy ang pagtatanim at pag-proseso nila ng oil palm sa Opol, Misamis Oriental.

  1. Filipinas Palm Oil Plantation Inc (FPPI) sa Agusan del Sur

Nagkakampanya rin ang mga agricultural workers sa plantasyon ng National Guthrie Estates Inc. (NGEI) at National Guthrie Philippines Inc. (NGPI) na maipawalambisa ang kanilang Agribusiness Venture Agreement sa Filipinas Palm Oil Inc., isang Filipino-Indonesian na plantasyon ng oil palm na sumasaklaw sa 8,000 ektaryang lupa sa San Francisco at Rosario sa Agusan del Sur. Nasa Agusan del Sur din ang Agusan Plantations Inc., isang Filipino-Singaporean na oil palm plantation sa 1,800 ektaryang lupa.

Noong 1988, ipinarenta ng kooperatiba ng mga magsasaka ang lupa sa Filipinas Palm Oil Plantation Inc. (FPPI) sa isang 25-year lease agreement. Ang NGPI ay nagparenta ng higit 3,900 ektarya at ang NGEI ay nagparenta ng 3,500 ektarya sa FPPI.

Matapos higit dalawang dekada, napatunayan ng mga magsasaka na dehado at lugi sila sa pinasok na lease agreement sa FPPI. Nagkakasakit din ang maraming mga manggawa sa plantasyon. Noong 2013, naggiit ang mga agrarian reform beneficiaries (ARBs) ng NGPI na umalis na sa kontrata sa FPPI dahil sa masahol na sitwasyon sa plantasyon. Ang mga herbicide sprayers sa NGPI ay kumikita lang ng P150-P200 kada araw depende sa quota. Ang mga contractual na harvester ay binabayaran lang ng dalawang piso (Php2) kada fruit bunch o average na Php100 kada araw. Bukod sa mababang sweldo, ang mga manggagawa sa plantasyon ay hindi rin nakakatanggap ng mga benepisyo gaya ng Philhealth, SSS at iba pang benepisyo na nasa Labor Code.

Ang NGPI multipurpose cooperative ay may 1,153 agrarian reform beneficiaries at ang NGEI multipurpose cooperative ay may 937 agrarian reform beneficiaries.

  1. Paglaban sa militarisasyon at human rights violations

Ang mga erya ng plantasyon at iba pang lugar sa Mindanao ay militarisado. Sa CARAGA region kung saan naroon ang 15,000 ektaryang oil palm plantation, mayroong siyam (9) na full batallions ng Armed Forces of the Philippines at mga grupong paramilitary.

Sa CARAGA din, noong 2014 – 2015, may labingsiyam (19) na biktima ng pamamaslang o extrajudicial killings, pito dito ay (7) ang Lumad at labindalawa (12) ang mga magsasaka. Marami pang kaso ng harassment, trumped-up criminal charges at iba pa. Libu-libo rin ang nagbabakwet dahil sa militarisasyon.

Ang mga tribal o Lumad schools na nagtuturo ng likas-kayang agrikultura o sustainable agriculture sa mga katutubo ay hinaharass din ng mga militar.

  1. Mapaminsalang epekto ng oil palm

Ayon sa Center for Science in the Public Interest, ang oil palm plantations ay gumagamit ng halos 25 iba’t-ibang klase ng pesticides, kabilang dito ang Paraquat, isang highly toxic herbicide na gawa ng Syngenta. Ito ay ipinagbabawal na sa 32 bansa kasama ang Switzerland kung saan nakabase ang Syngenta. Ang Paraquat ay nakakasama sa kalusugan, nakakasira sa internal organs, adrenal glands, central nervous system at nagiging sanhi ng multi-organ failure. Nakakasama din ito sa balat at mata at iniuugnay sa mga kaso ng kanser at Parkinson’s disease. Sa mga plantasyon ng oil palm, gumagamit din ng Carbofuran, isang highly-toxic carbamate pesticide na ipinagbawal na ng U.S. Environmental Protection Agency.

Sa Opol, Misamis Oriental, madalas na nagkakasakit ang mga residente at inuugnay nila ito sa mga kemikal na gamit ng A Brown’s sa oil palm plantation. Gayundin sa mga plantasyon ng Filipinas Palm Oil, may mga manggagawa na ang nabulag at nagkasakit sa liver. Nalalason din ang mga ilog at lupa sa mga komunidad malapit sa mga plantasyon.

Ang monocropping o monoculture ang nakakasama rin sa balance ng ekolohiya ng lupa at sa tradisyunal na pagsasaka at pagtatanim sa mga komunidad.

Paglaban ng mga magsasaka at mamamayan

Tinatarget ng gobyernong Duterte na palakihin sa 200,000 ektarya ang natataniman ng oil palm sa buong bansa.

Sa Palawan, binabalak ng Dubana Resources Development Corp. ang 10,000-hectare oil palm plantation sa mga bayan ng Aborlan at Berong para umano maabot ang import demands ng bansa para sa 2017. Mainam umano ang Mindanao at Palawan sa pagtatanim ng oil palm dahil sa klima nito. Mayroon nang 12,000 ektaryang plantasyon ng oil palm sa Palawan na pinapatakbo ng Agumill.

Ang Alif Company ng Malaysia ay nagbabalak na maglagak ng isang bilyong dolyar na investment para sa oil palm sa Pilipinas. Sasaklaw ito sa 128,000 ektaryang lupa sa Agusan del Sur na sakop ang mga lupang ninuno o ancestral lands.

 

Kailangan ng malakas na pagkakaisa at paglaban ng mamamayan laban sa pagpapalawak ng oil palm plantations sa bansa.

 

Kailangan ang higit na kampanya para sa tunay na reporma sa lupa, pagbuwag sa monopoly sa lupa ng mga haciendero at plantasyon. Kailangan ang libreng pamamahagi ng lupa, tunay na pag-unlad ng kanayunan at pambansansang industriyalisasyon. ###