Adyenda ng mga Magsasaka sa gobyernong Duterte

Isang taon ni Duterte: Puro pangako, walang pagbabago

Sa pag-uumpisa ng panunungkulan ni Pangulong Rodrigo Dutere noong nakaraang taon, tinipon ng malawak na hanay ng magbubukid, mangingisda, manggagawa sa agrikultura, kababaihan at kabataang magsasaka, at iba pang masang anakpawis sa kanayunan,ang kanilang pangkalahatan at partikular na mga kahilingan bilang bahagi ng kabuuang People’s Agenda ng mamamayan na isinumite sa Malacanang.

Lalo na sa panahong na nagtapos na ang bisa ng bigo at huwad na Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP), isang mayor na kahilingan ng kilusang magbubukid at ng mamamayan sa administrasyong Duterte ang pagdideklarang urgent o kagyat ng pagsasabatas ng Genuine Agrarian Reform Bill (GARB) na naglalayong saklawin ang lahat ng lupaing agrikultural sa bansa at ipamahagi nang libre sa mga magsasakang wala o kulang ang lupa. Sa una pa lang, alam ni Pangulong Duterte ang pangangailangan ng isang bago at tunay na programa sa reporma sa lupa.

Matagal nang ipinaglalaban ng mga magsasaka ang isang reporma sa lupa na tunay na magbibigay ng katarungang panlipunan sa masang anakpawis sa kanayunan at magwawakas sa monopolyo sa lupa at sa iba’t ibang tipo ng pyudal at malapydudal na pagsasamantala na siyang pinag-uugatan ng  kanilang kahirapan at kagutuman.

Ang mga pangako ni Duterte para sa makabuluhang reporma noong panahon ng eleksyon, ang kanyang bakgrawnd sa pakikipagmabutihan sa hayag na demokratikong kilusang masa at maging sa mga rebolusyonaryo noong alkalde pa lamang siya ng Davao City, ang kanyang pagpipresentang sosyalista, makakaliwa, o kontra sa dayuhang kapangyarihan, ang paghirang ng mga progresibo sa ilang ahensya ng gobyerno at ang ibinigay niyang komitment sa muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan, ang naging tungtungan para seryosong hamunin ng kilusang magbubukid ang bagong administrasyon na magpatupad ng tunay na reporma sa lupa at pambansang industriayalisasyon.

Ilan sa mga kaugnay na panawagan ng militanteng mga organisasayong magbubukid para sa unang 100 araw ng gobyernong Duterte ang pagbabasura sa mga tangka na palawigin o muling buhayin ang kontra-magsasakang CARP o CARPER;  ang pag-rebyu at pagpapatigil sa mga inilabas na Land Use Conversion Order;ang pagwawasto sa bogus na pagpapatupad ng nakaraang administrasyon sa pamamahagi ng Hacienda Luisita sa mga magsasaka; at ang kagyat na pamamahagi ng iba pang mayor na hacienda at landholdings sa bansa, gaya ng 2,900 ektaryang Hacienda Dolores sa Pampanga, 3,100 ektaryang Fort Magsaysay sa Nueva Ecija, 8,650 ektaryang Hacienda Looc sa Batangas, 40,000 ektaryang Yulo King Ranch sa Palawan, 5,000 ektaryang Eduardo Cojuangco Jr. Estate sa Negros, at marami pang iba.

Ilang ulit nang lumagpas ang unang isang daang araw ng gobyernong Duterte at papatapos na nga unang taon nito. Para sa mga Pilipinong magbubukid, malinaw na hanggang ngayon ay wala pa ring makabuluhan o tiyak na pambansang patakarang naitatakda ang Pangulo para sa isang bago at tunay na programa sa reporma sa lupa. Nakatayo pa rin ang malalawak na hacienda at plantasyon sa bansa kagaya ng Hacienda Luisita. Wala pa ring malinaw o kategorikal na deklarasyon ang Malacanang na kinikilala nito ang karapatan ng mga magsasaka na magbungkal ng lupa at magtanim nang ayon sa kanilang pangangailangan.

Sa isang banda, malugod na sinalubong ng mga magbubukid at ng demokratikong kilusang masa ang pagkakahirang kay Rafael “Ka Paeng” Mariano bilang kalihim ng Department of Agrarian Reform (DAR). Sa kauna-unahang pagkakataon, isang lider-magsasaka ang naitalaga para pamunuan ang departamentong nakilala sa mahabang panahon bilang tagapagpatupad ng kontra-magsasakang mga programa. Ibinukas ng bagong pambansang pamunuan ng DAR ang tarangkahan nito sa mga samahan ng magsasaka at nagsikap na i-ayon ang mga gawain nito sa pagtataguyod sa karapatan sa lupa ng mga nagbubungkal.

Gayunman, malalim na nakaangkla pa rin sa imperyalistang neoliberal na mga patakaran ang pangkalahatang tunguhin sa ekonomya ng gobyernong Duterte. Ang pakete ng mga programang itinutulak ng mga economic manager ng Malacanang para sa pagsusubasta ng malalawak na lupain sa dayuhang mga korporasyon, pagpapatupad ng mga Private-Public Partnership project sa imprastraktura, ekoturismo at enerhiya, pagsusulong sa pinasyalisasyon sa agrikultura, pagtataguyod sa liberalisasyon sa kalakalan ng produktong agrikultural, pagkunsinti sa mapanirang pagmimina at pagtotroso, ay nananatiling malalaking balakid sa makatarungang mga mithiin ng mga magsasaka at sa anumang positibong pagsisikap ng bagong DAR.

Gayundin, ang patuloy na kawalan ng isang bago at tunay na batas at programa para sa reporma sa lupa, o ang pag-iral pa rin ng maka-panginoong-maylupang mga probisyon ng CARP, ay nakapagtatakda ng kongretong mga limitasyon sa pagpapatupad ng maka-magsasakang mga layunin ng DAR sa ilalim ni Secretary Mariano. Idagdag pa rito ang tahasan at marahas na pagsuway ng malalaking panginoong maylupa at dayuhang agro-korporasyon, kasapakat ng mga lokal na burukrata, pulis at militar, sa mga kautusan ng bagong DAR.

Sa tulak na rin ng kilusang magbubukid, positibong naipatatawag ngayon ni Duterte ang mga pulong ng Presidential Agrarian Reform Council (PARC) matapos ang sampung taong pagkakabalaho ng mga ito sa ilalim ng dalawang nagdaang administrasyon. Subalit, kapansin-pansin ang mabagal pa ring paglalabas nito ng mahahalagang desisyong pumapabor sa mga magsasaka.

Hindi pa rin, halimbawa, naipipinal ang ipinangako ni Duterte na Executive Order na nagtatakda ng dalawang-taong moratoryum sa kumbersyon ng mga lupang sakahan, habang agresibo namang nangangampanya ang malalaking panginoong maylupa at ang mga economic manager ng Malacanang laban dito. Nakabinbin pa rin ang desisyon sa panawagan ng mga agrarian reform beneficiary para sa kondonasyon ng mga utang sa amortisasyon sa lupa.

Samantala, bagama’t binawi na ng PARC ang isang iskemang Stock Distribution Option (SDO) sa Negros at isang kontratang Agribusiness Venture Agreement (AVA) sa Mindanao, nananatili ang pagsasamantala at pagpapahirap sa libu-libong magsasaka at manggagawang bukid sa marami pang SDO, AVA, leaseback, contract growing, corporative scheme, block farming, at aryendo. Ang malalawak na tubuhan at plantasyon ng saging, pinya,  palm oil, rubber, at iba pa, ay karaniwang umiiral pa rin sa ilalim ng ganitong mapanlinlang, mapanghati, at mapangamkam na mga kalakaran.

Ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyernong Duterte at ng National Democratic Front of the Philippines na napasimulan noong nakaraang Agosto 2016 ay kinilala ng kilusang magbubukid bilang isang mahusay na pagkakataon para maisulong ang mga panawagan ng sektor. Ang pagsasalubong ng magkabilang panig sa prinsipyo ng libreng pamamahagi ng lupa noong ikaapat na round ng peace talks ay isang mahalagang pag-usad sa pagbabalangkas ng Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (CASER) partikular kaugnay ng mga probisyon nito sa Agrarian Reform and Rural Development.

Ang pagkakaudlot, kung gayon, ng ikalimang round ng pormal na negosasyon noong nakaraang buwan, na dulot ng maniobra ng mga militarista at tutang neoliberal sa gobyerno, ay isang malinaw na paghadlang sa pagbubuo ng mahahalagang repormang sosyo-ekonomiko. Nagbibigay ito ng malaking dahilan para pagdudahan ang sinseridad ng gobyernong Duterte sa pagresolba sa ugat ng armadong tunggalian sa bansa at sa paghahangad ng tunay at makatarungang kapayapaan para sa mamamayan.

Isa lamang ito sa mga palatandaan ng sistematikong pagbigo ng kampo ng malalaking panginoong maylupa, burgesya komprador at imperyalistang kapangyarihan sa mga panawagan ng mga magsasaka at mamamayan para sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon.

Sa kabila ng mga postura ni Duterte na tumutuligsa sa dominasyon ng imperyalistang US at ng mga salita sa plano di umano ng gobyerno na magsulong ng nagsasariling patakaran sa ekonomya at relasyong panlabas,  walang pang makitang kongretong mga hakbang kaugnay nito ang mamamayan. Nakapaloob pa rin ang bansa sa di-pantay ng mga kasunduang panlabas sa kalakalan at militar gaya ng Worl Trade Organization (WTO),  Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC), ASEAN Free Trade Agreement (AFTA), ASEAN Integration, Enhanced Defense Cooperation Agreement, at iba pa.

Bagama’t nag-isyu na kamakailan ng isang Executive Order ang Malacanang na nagpapalawig sa bisa ng Quantitative Restriction sa imported na bigas, nananatili ang pagsandig ng gobyerno sa importasyon ng pangunahing pagkain ng Pilipino. Imbes na magsulong ng komprehensibong programa sa pagpapaunlad sa pambansang produksyon ng palay, pagbibigay ng suportang serbisyo sa sakahan tulad ng subsidyo sa butil, libreng irigasyon, at pagpapababa ng presyo ng langis at iba pang gastos sa produksyon, patuloy ang pagtalima ng gobyerno sa neoliberal na imposisyon ng WTO sa kalakalan at agrikultura. Patuloy nitong sinasadlak ang kabuhayan ng mga magsasaka, nilalagay sa panganib ang seguridad sa pagkain ng bansa, habang pinasasahol ang operasyon ng kartel sa bigas at ismagling.  Dagdag pa, saklaw pa rin ng papasahol na patakaran sa importasyon ang iba pangproduktong agrikultural gaya ng asukal, gulay, isda, manok, karneng baboy at baka, na patuloy na nagpapaliit sa kita ng lokal na mga prodyuser at nagpataas pang lalo sa presyo ng pagkain.

Sa puspusang pangangampanya ng kilusang magbubukid, naitulak ang Kongreso na magtaktakda ng pambansang badyet sa libreng serbisyong irigasyon para sa taong 2017 habang nakasalang naman sa Senado at Mababang Kapulungan ang mga panukalang batas para rito. Gayunman, sistematikong nanlilito ang National Irrigation Authority para maikutan ang alituntunin sa pagpapatupad sa libreng irigasyon na siya rin mismo ang nagbalangkas. Bukod dito, obligado pa ring bayaran ng mga magsasaka ang nagpatung-patong nang back account sa irigasyon sa kabila ng malakas na panawagan para burahin na ang mga ito.

Ang P85 bilyong coco levy fund ay hindi pa rin naibabalik sa mga magsasaka sa niyugan habang tusong itinutulak pa rin ang pribatisasyon nito ng mga maka-panginoong-maylupang mambabatas at ng mga kroni at oligarko na dati nang nagpasasa sa pondong ito. Patuloy pa ring kinukopo ng malalaking plantador at negosyante sa produksyon ng asukal ang Sugar Amelioration Fund na dapat ay nakalaan para sa mga manggagawa sa tubuhan at asukarera.

Ang mga biktima ng kalamidad gaya ng Yolanda ay hindi pa rin nabibigyan ng tunay na ayuda. Mas masaklap, patuloy silang naitataboy sa dati nilang mga komunidad sa baybayin at iba pang lugar dahil sa mga patakarang gaya ng no-build-no-dwelling-zone na pawang kasangkapan ng mga pribadong negosyo sa pangisdaan, ekoturismo at pagmimina para sa pangangamkam ng lupa at katubigan.

Patuloy na pinahihirapan ng mga umiiral na patakaran at batas sa pangisdaan ang masang mangingisda sa buong kapuluan. Ang inamyendahang Fisheries Code ay ginagamit pa rin para sa pagkontrol at pagmonopolyo sa karagatan at iba pang pangisdaan ng malalaki at dayuhang negosyante sa pangisdaan. Dumarami ang proyektong PPP sa reklamasyon sa mga baybayin na di lamang nagpapalikas sa mga mangingisda kundi nagpapahamak sa kalikasan.

Hanggang sa ngayon, wala pa ring aktuwal na napaparusahan sa mga nagpakana at kasapakat ng dating Pangulong BS Aquino sa pork barrel scam na walang-kahihiyang ginamit ang ngalan ng mga magsasaka para dambungin ang pera ng bayan. Ganito rin ang lagay ng iba pang mga kaso ng korapsyon kagaya ng maanomalyang Emergency Shelter Assistance na dapat ay para sa mga biktima ng Yolanda.

Ang lahat ng ito ay sapat na upang isalarawan ang kabiguan ng administrayong Duterte sa maagap at mapagpasyang pagpapatupad ng reporma para sa kagalingan ng mga magsasaka at mamamayan. Kaya naman nagpapatuloy ang militanteng kilusan ng mga magbubukid sa kanayunan upang igiit ang kanilang karapatan sa lupa at kabuhayan.

Subalit, gaya ng kalagayan sa ilalim ng nagdaang administrasyon, ang mga nakikibakang magsasaka sa kanayunan ang pangunahin ding target ng nagpapatuloy na pasismo ng estado. Ang Oplan Kapayapaan ng rehimeng Duterte ay gaya lamang din ng pinalitan nitong Oplan Bayanihan ng rehimeng US-Aquino o ng Oplan Bantay Laya sa panahon ni Arroyo. Nagpapatuloy ang militarisasyon sa kanayunan lalo na mula nang magdeklara ang Armed Forces of the Philippines ng all-out war noong Pebrero. Sa kasalukuyan, humigit-kumulang ay 65 na ang magsasakang biktima ng pamamaslang. May mga naiulat na ring mga kaso kung paano ginagamit ang gera kontra droga laban sa hanay ng mga magsasaka.Nagpapatung-patong na rin ang mga kaso ng harasment, iligal na pang-aaresto at pagpapakulong, at pagpapalikas sa mga buu-buong komunidad ng magsasaka at katutubo dahil sa tumitinding operasyong militar sa mga nayon.

Ibayo pa itong lumala matapos magdeklara ng batas militar si Duterte sa buong Mindanao noong Mayo 23. Terorismo ng mga grupong Maute at iba pang ikinakabit sa ISIS di umano ang target ng martial law subalit malinaw na ang terorimo mismo ng AFP at PNP ang pangunahing siyang nagdudulot ng karahasan at kaguluhan sa Marawi at karatig na mga lugar. Ilang daang sibilyang Moro, magsasaka at mamamayan ang nasalanta ng araw-araw na pambobomba na humantong na sa isang krisis humanitarian at ekonomiko. Ang presensya ngayon ng pwersang Amerikano sa Mindanao para di umano tumulong sa laban sa terorismo ay lubhang nakababahala at nagpapatunay lamang sa gawa ni hindi pa nakakawala ang rehimeng Duterte sa tanikala ng imperyalistang US.

Noong Mayo, pinuri ng marami ang pagpunta ni Duterte sa Mendiola para sabihin sa mga nagkakampuhang magsasaka mula sa Madaum Agrarian Reform Beneficiaries Inc. (MARBAI) mula sa Tagum City na suportado niya ang kanilang pagkilos para ma-okupa ang lupa sa Lapanday na matagal nang ipinagkakait sa kanila. Ilang araw matapos nito, matagumpay na napasok ng daan-daang magsasaka ang lupain sa Lapanday at hanggang ngayon ay nakapusisyon sila doon at naglulunsad ng kilusang bungkalan. Ang tagumpay na ito ay hindi makakamit kung hind naging malawak at malakas ang pagkilos ng mga magsasaka at ang suporta sa kanila ng iba pang sektor. Ang sustenidong pagkilos na ito ang nagtulak kay Duterte na sumang-ayon sa kanilang kahilingan.

Sa ganitong diwa isinusulong sa pambansang saklaw ng kilusang magbubukid ang kasalukuyang kampanya at kilusan para buwagin ang mga hacienda at plantasyon sa bansa at sama-sama itong bungkalin at pakinabangan. Bagamama’t puspusang ikinakampanya ang pagsasabatas sa GARB o ang pagtitibay ng CASER, o ang patuloy na paghamon kay Duterte at paniningil sa kanyang mga pangako, sadyang hindi na hihintayin pa ng mga magsasaka, manggagawang bukid, katutubo, at iba pang masang anakpawis sa kanayunan, ang aktuwal na mga batas, programa o kasunduang ito upang maisakatuparan ang panawagan para sa libreng pamamahagi ng lupa.

Sa pamamagitan ng sama-sama at mapangahas na pagkilos sa mga kampuhan, barikada, welga, okupasyon at bungkalan, nagiging kagyat at materyal na pwersa ang mga kahilingan ng mga magsasaka para sa tunay na repormang agraryo. Nakita na natin ito sa pagbubuwag ng mga taga-Hacienda Luisita sa pader ng RCBC noong Abril at sa pagpasok ng mga manggawang bukid sa Lapanday noong Mayo. Sunud-sunod na ring naikakasa ang ganitong mga laban sa iba’t ibang bahagi ng Luzon, Visayas, at Mindanao.

Bahagi ang mga pagkilos na ito sa pangkalahatang pagpapalawak ng pambansa demokratikong kilusan na siya ring marapat na tahakin upang higit pang makumbinsi o mapuwersa ang rehimeng Duterte na maghunos-dili sa kanyang tunguhing pasista at maka-imperyalista.  Sakaling hindi na mangimi ang rehimeng Duterte na tuluyan nang maging pangunahing kasangkapan ng imperyalistang US at ng lokal na naghaharing uri sa Pilipinas, nakahanda ang kilusan ng magbubukid, kasama ang mga manggagawa at iba pang api at pinagsasamantalahang sektor na paigtingin ang laban sa pyudalismo, burukrata kapitalismo, pasismo, at imperyalismo. ###