DIPOLOG CITY — Naglunsad ng picket rally ang Alyansa sa mga Mag-uuma sa Zamboanga del Norte (ALMAZAN) sa harapan ng provincial Office ng Department of Agriculture kahapon. Hindi bababa sa 200 magsasaka mula sa mga bayan ng Sindangan, Leon Postigo, Sergio Osmena ang dumalo upang hilingin sa nasabing ahensya na ibigay na ang Calamity Fund para sa kanila dahil sa grabeng epekto ng El Nino na tumama sa kanilang Probinsya ng Zamboanga del Norte.

Sa statement na inilabas ng Provincial Information Center (PIC) ng Zamboanga del Norte noong kamakailan, umabot sa P162,401,155.00 ang tinatayang halaga sa nasirang pananim dahil sa pagkatuyo ng mahigit 5,642 ektaryang taniman sa mga bayan ng Sergio Osmena, Sibutad, Pinan, Labason, Gutalac, Godod, Sindangan, Manukan at Kalawit.

Umaabot sa 5,578 magsasaka na apektado ng El Nino na nagdulot ng grabeng pinsala sa pananim ng mais, palay, niyog at iba pang pananim. Hindi pa kasali dito ang nagmula sa ibang bayan na apektado ng El Nino.

Matapos magdeklara ng State of Calamity ang probinsya ng Zamboanga del Norte noong April 18, 2016, ipinapawagan ng mga magsasaka na agarang i-release na ang 30% ng pondo mula sa Quick Response Fund bilang tugon sa kalamidad. Pagkatapos ng picket rally, nag-caravan ang mga magsasaka sa syudad ng Dipolog.